Tags

, , ,

click image.

Sabi nila simple lang daw ang buhay. Hindi naman daw kailangan gawing kumplikado ang lahat. Just live your life, they say. Marami akong naririnig na advices na katulad nito. Kadalasan, masarap pakinggan kasi binibigyan tayo nito ng lakas ng loob sa oras na down na down tayo. Pero minsan, hindi rin maiiwasang isipin na hanggang salita lang ang mga ito. Madali kasing sabihin pero ang totoo, mahirap gawin. Mahirap maramdaman at maranasan.

Alam mo sa dinami-rami ng mga nangyayari ngayon, hindi ko na masabi na simple lang talaga ang buhay. Maraming beses ko na inisip na sumuko dahil hindi ko alam kung gaano pa magiging kumplikado ang lahat. Hindi ko naman ginustong magkaroon ng buhay na magulo. At alam ko kahit ikaw hindi mo rin ginusto ng buhay na kumplikado. Pero bilang tao, normal na talaga magkaroon ng sunud-sunod na gusot sa buhay. Pero bilang tao rin, lagi tayong naghahanap ng paraan para harapin o takasan ang mga ito. Sa kahit anong paraan man ito, in the end, iisa lang naman ang gusto ng bawat tao sa mundo. Ang maging masaya.

Palagi akong nangangarap ng mataas. Bata pa lang ako, ang taas na ng pangarap ko. Minsan sa pagdaan ng panahon, nagbabago ito. Pero hindi nagbabago kung anong klaseng buhay ang gusto kong makuha sa pag-abot ng mga pangarap na ito. Ang alam ko kasi, kapag nagkaroon ako ng ganitong buhay, magiging masaya ako.

Sa ngayon, hindi ko na masabi. Narealize ko kasi, kung gaano kataas ang pangarap mo, ganun din kalaki yung mga hirap na pagdadaanan mo. Sabi nga nila di ba, kelangan mo paghirapan yung mga bagay ng gusto mong maabot. At sa pag-abot mo ng mga ito, marami kang pagdadaanang hirap kahit walang kasiguraduhang kapag ginawa mo ang mga ito, maaabot mo ang mga pangarap mo. Iniisip ko tuloy isa itong patunay na hindi simple ang buhay sa mga taong naghahangad ng malaki sa buhay.

Bata pa lang tayo ang laki na ng pangarap natin sa buhay. Ibig sabihin, bata pa lang tayo hinahanda na natin yung mga sarili natin para sa malaking laban na kakaharapin natin sa pagdating ng panahon. Siguro yung iba maswerte na mayroong mga taong handa silang gabayan at alalayan kung kaya hindi ito nagkakaroon ng malaki at masamang epekto sa pagkatao nila. Pero paano naman yung ibang kabataan na hindi nagagabayan at nasusuportahan?

Kadalasan sa pagharap nila sa buhay, mahirap ang lumaban kung kaya marami ang sumusuko at nawawalan ng pag-asa. Minsan nama’y may mga taong handang lumaban ngunit sa pagdaan ng panahon, hindi maiwasanag isipin na sumuko na lang at tumigil sa kinatatayuan at iwanan ang pangarap sa daan.

Ngunit sa huli, maswerte man o hindi, may mga pagkakataong pareho silang natatalo, hindi dahil hindi nila naabot ang mga bagay na gusto nilang makuha. Naisip ko, sa pag-abot ng tao sa mga pangarap niya, may mga bagay siyang iniiwan at nakakalimutan. Nagsasakripisyo ang tao para sa isang bagay na walang kasiguraduhan at sa isang bagay na hindi niya alam kung kasiyahan nga ba ang dulot. Minsan, sa pag-abot niya sa kanyang mga pangarap nakakalimutan niya mismo kung sino siya. Totoong binabago ng panahon ang tao dahil hinayaan niya itong mangyari. Bilang resulta, maaaring makatulong ito sa sarili niya o makasira ng relasyon niya sa ibang tao, dahil sa pagdaan ng panahon, hindi na siya nakikilala.

Umaalis tayo ng bahay tulog pa ang mga tao, pag-uwi natin tulog na sila. Hindi na natin nadadatnan yung mga taong sinasabi nating dahilan kung bakit tayo nangangarap. Kung gayun, paano pa magiging makabuluhan ang pag-abot ng tao sa pangarap niya kung ang lakas ng loob niya ay hindi man lang niya nakakasama at nakikita? Paano pa magiging makabuluhan ang pag-abot sa pangarap niya kung ang mga taong nakikita lang niya sa araw-araw ay ang mga taong hindi naman niya lubusang kilala at hindi naman siya lubusang kilala? Sa huli, sino na lang ang makakasangga niya sa pag-abot ng pangarap niya kung ang isa ay hindi niya nakakasama at ang isa naman’y hindi niya at hindi siya kilala? Sa huli, sinong naiiwang mag-isa? Sa huli, sino ang talo? Sa huli, sino ang nagiging masaya?

Hindi ko sinasabing masama ang mangarap ng mataas. Ang sa akin lang, sa buhay dahil sa paghahangad natin ng mataas, nakakalimutan natin ang halaga ng ilang mga bagay. Sa paghahangad natin ng mataas, naiiwan natin ang ilang mga mahahalagang bagay sa ating buhay para bigyan ng daan ang ating pangarap sa pag-aakalang mas magbibigay ito ng kasiyahan sa ating buhay. Naisip ko, hindi talaga mapapantayan ng kahit na anong materyal na bagay o materyal na pangarap ang kasiyahan. Hindi mo ito mabibili pero hindi mo rin ito mapupulot lang. Naisip ko rin, ang kasiyahan ay hindi lang epekto ng kahit na anong magandang bagay na nangyari sa buhay ng isang tao dahil ang kasiyahan ay katulad ng isang daan na maaring piliing daanan ng isang tao. Pwede mong piliin maging masaya, pwede ring hindi, pwedeng naligaw ka lang at hanapin ang daan pabalik at magsimulang muli. Ito ay isang kagustuhan na hindi na kailangan pang pangarapin sapagkat sa pag-asam mo nito, hindi mo kailangang magsakripisyo, hindi ka mag-iisa at hindi mo maiiwanan ang mga taong tunay na nagmamahal sayo. Simpleng buhay pero masaya.

Advertisements